
BAGONG BAYAN ELEMENTARY SCHOOL
Since 1948












School ID: 109777
(049) 543-5430
Rose St., Brgy. Bagong Bayan,
San Pablo City, Laguna, 4000
History of Bagong Bayan ES
Bago pa ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang ilang mandarayuhan mula sa lunsod ng San Pablo ay napagtantong praktikal at maginhawa para sa kanila ang pagpapatayo ng bahay malapit sa kanilang lugar ng trabaho. Ang ilan sa kanila ay nagtatrabaho sa istasyon ng tren (PNR Station). Ang iba naman ay may mga maliliit na negosyo na malapit sa pampublikong pamilihan at ang iba naman ay namamasukan bilang karpintero, mason at iba pa na may kaugnayan sa konstraksyon sa noon ay bagong tayong pabrika, ang Franklin Baker Co. Ang mga mandarayuhang ito ay tumira malapit sa riles ng tren sa bahagi ng lupa na pagmamay-ari ng pamilya Azores.
Nang magsimula ang operasyon ng Franklin Baker Co., ang mga trabahador mula pa sa Pampanga na mga kamag-anakan naman ng mga magtatrabaho sa konstraksyon ay natanggap ding manggagawa dito. Dito na din sila nagsimulang magtayo ng mga bahay. Sa kabilang dako naman, ang mga anak ng mga mandarayuhang ito ay pinag-aral nila sa San Pablo Elementary School na ngayon ay San Pablo Central School. Pagkatapos ng digmaan, nagpatuloy ang operasyon ng Franklin Baker Co. na nangailangan pa ng mga trabahador. Mas marami pang Kapampangan ang nagtrabaho at dito na din nanirahan. Ang isang dating maliit na komunidad ay lumaki ng lumaki at kaugnay nito ay ang pagpangalan sa lugar na Bagumbayan (Bagong Bayan).
Noong 1948, ang mga nakatatanda ay humiling na magkaroon ng guro sa Unang baiting upang magkaroon ng sariling paaralang mapapasukan ang mga batang taga dito. Humingi sila ng tulong sa “Academic Supervisor” na agad ay tumugon sa kanilang kahilingan. Si Bb. Juana Punzalan ang unang guro sa Bagong Bayan at nagkaroon siya ng 42 mag-aaral sa unang taon ng kanyang pagtuturo. Ang tuklong ang naging unang silid-aralan nila. Dahil batid ng mga mamamayan ang kahalagahan ng edukasyon, nagsagawa sila ng bayanihan at naipatayo ang 2 silid-aralan sa sentro ng barangay ng sumunod na taon. Dahil sa lumalaking populasyon ng mga mag-aaral, dalawa pang silid-aralan ang naipatayo. Sa unang 3 taon, ang Bagong Bayan ay naging sangay ng San Pablo Elementary School. Pagkalipas naman ng 4 na taon, ito ay naging “Primary School” at si G. Gertrudo Punto ang namahalang-guro dito. Noong 1956, nagkaroon ng malaking oportunidad para mabili ang malaking lote na maaaring pagtayuan ng paaralan. Sama-samang nagtulong-tulong ang sangguniang barangay at ang PTA. Humingi sila ng tulong sa noo’y senador na si Pampango Senator Gil Puyat. Ang lupa ay nabili mula sa “pork barrel” ng senador. Noong 1972, ang ibang bahagi ng lupa ay lumawak dahil sa donasyon ng Azores Family. Nadoble ang orihinal nitong lawak at naging 4,900 sq. m.
Noong taong panuruan 1956-1957, ang ibang klase ay naganap sa lumang gusali na kung tawagin ay “silong” ng ilang bahay sa barangay. Ang 2-gusaling silid-aralan na tinawag na Gonzales type ay naipatayo. Ang gusaling ito ay ginamit ng mga mag-aaral sa intermedya. Ang unang grupo ng nasa ika-anim na baitang ay binubuo lamang noon ng 28 mag-aaral at ang kanilang pagtatapos ay naganap noong taong panuruan 1957-1958. Si G. Gertrudo Punto ang gurong taga-gabay at siyang TIC din noon ng paaralan. Sa mga sumunod na taon, si Gng. Felicitacion F. Lacsam naman ang naging unang punong guro ng Bagong Bayan Elementary School. Maraming silid-aralan ang napadagdag sa kanyang panunungkulan, kasama na dito ang unahang bakod ng paaralan.
Sa pagdaan ng panahon ay may mga silid aralan ding napadagdag, kabilang ang DECS building. Naipatayo din ang Bagong Lipunan building at ang dalawang palapag na gusali mula sa Congressional project ni dating Congressman Danton Bueser at ang covered court ng paaralan. Noong Oktubre 2014 naman, nagkaloob ng isang gusali na may dalawang silid-aralan ang AGAPP Foundation na pinamumunuan ni Gng. Pinky Aquino-Abellada na kaagapay ni G. Eugenio Lopez III, isa sa nagmamay-ari at namamahala ng ABS-CBN Company. Mapalad ang paaralan ng Bagong Bayan dahil isa sila sa mga napiling pagkalooban ng silid-aralan sa buong San Pablo City. Ito ay kasalukuyang ginagamit na silid-aralan ng mga mag-aaral ng Kindergarten. Ngayong taong 2018 naman ay kasalukuyang ipinatatayo ang DEPED building na may apat na palapag na gusali na binubuo ng 16 na silid-aralan. Pagkalipas ng 50 taon, ang Bagong Bayan ay hindi pa din natitinag ng panahon. Ang mga pagsubok at suliranin sa komunidad, ang mga guro at libong mga mag-aaral ay naging saksi sa pagsisimula at tagumpay ng paaralan na siyang inaani ngayon.
​
(Orihinal na isinalaysay ni Bb. Jesusa Ibe)
(Muling isinalaysay ni Lalaine A. Cabuhat)